'No way sa total pullout!'
MANILA, Philippines - “No way, imposible yan!”
Ito ang mariing tugon ng gobyerno sa lumalawak na demand ng Abu Sayyaf hinggil sa total pullout ng tropa ng pamahalaan sa lalawigan ng Sulu.
Sa press briefing sa Camp Crame. inihayag ni DILG Secretary Ronaldo Puno na nagbigay ng panibagong ultimatum ang mga bandido ng hanggang alas-2 ng hapon ngayong araw sa tropa ng pamahalaan para bakantehin ang halos buong lalawigan at kung hindi ay itutuloy na nila ang pagpugot ng ulo sa isa sa mga hostage na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC).
Sinabi ni Puno, wala na silang magagawa pa lalo’t napaka-imposible ng panibagong demand na total military pullout sa mga kritikal na lugar sa halos buong Sulu.
“This new demand is impossible to complete within 24 hours. I think it is difficult to complete even within 48 hours. So physically we face a situation where if we wanted to, we cannot do this. And I’m not sure that it is a wise policy to give up an entire province every time anybody somebody is kidnapped. It will encourage everybody everywhere to kidnap someone and demand an entire province in return,” ayon sa Kalihim.
Nais ng Abu Sayyaf na tuluyan ng lisanin ng tropa ng gobyerno ang mga bayan ng Indanan, Patikul, Talipao, Parang, Maimbung at Jolo sa Sulu; pawang mga lugar kung saan may base ang Philippine Marines bukod sa puwersa ng pulisya at ng Civilian Emergency Forces.
“ We hope for the best and expect for the worst,“ ani Puno na sinabing nananatiling prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan ng mga bihag.
Unang hiningi ng Abu Sayyaf ang ‘repositioning‘ ng tropa ng pamahalaan sa Indanan, Sulu; pangalawa ay pullback sa buong Indanan at iba pang lugar na pawang napagbigyan ng gobyerno at pangatlo ay humirit na ng ‘total pullout‘ sa halos buong Sulu.
Bunga ng tensyonadong sitwasyon ay tumulak muli kahapon si Puno at ang iba pang mga opisyal upang imonitor ang mga kaganapan sa Sulu sa gitna na rin ng 24 oras na deadline ng Abu Sayyaf.
Inihayag ng Kalihim na ginagawa ng gobyerno ang lahat para sa posibleng paglaya ng tatlong bihag at umaasa sila na mapag-isipan at magkaroon ng rekonsiderasyon ang mga bandido bago humantong sa bantang pagpugot sa isa sa kanilang mga bihag.
Hawak ng mga bandido ang tatlong ICRC volunteer na sina Swiss national Andreas Notter, Eugenio Vagni, Italian at Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba na dinukot noong Enero 15 sa Patikul, Sulu.
- Latest
- Trending