Santiago, Villar topnotchers sa Senado
MANILA, Philippines - Topnotcher sa paghain ng mga panukalang batas at resolusyon sa Senado sina Senadora Miriam Defensor-Santiago at dating Senate President Manuel “Manny” Villar, Jr.
Batay sa rekord ng Senado na ginawa ni Lorelie Haguring ng Indexing and Monitoring Section, Legislative Bills and Index Service, nakagawa si Santiago ng 933 panukalang batas at resolusyon mula sa kabuuang 4,723, habang si Villar ay nakagawa ng 579.
Sa pagtatapos ng sesyon noong nakalipas na linggo, nagawang makalusot ng 47 panukalang batas at resolusyon, lima dito ay nilagdaan na ni Pangulong Arroyo bilang isang ganap na batas. Samantala, pumangatlo si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na may 538, sumunod si Loren Legarda na may 299 at pang-lima si Francis Escudero, 288.
Kulelat naman sina Joker Arroyo na may pinakakaunting panukalang batas na naihain na may kabuuang bilang na 11, sumunod si Alan Peter Cayetano (24) at Benigno “Noynoy” Aquino III (39). (Malou Escudero)
- Latest
- Trending