MANILA, Philippines - Kinalma ng Bureau of Animal Industry (BAI) at Department of Agriculture (DA) ang publiko laluna ang mga taga-Bulacan na wala ng dapat ikabahala sa mga alagaing hayop sa lalawigan dahil wala ng nananalasang Ebola virus sa mga baboy .
Ito ay bunsod na rin ng pagtiyak ng local health authorities ng Bulacan na walang dapat ipangamba ang mga taga rito dahil napatay na lahat ang baboy na may ebola at patuloy ang isinasagawang disinfection stage sa mga babuyan dito.
Ayon kay Dr. Joy Gomez, bulacan health officer, minimal lamang naman ang usok na nililikha ng proseso, at malaking tulong dito ang patuloy nilang pagtatabon ng ipa at lupa sa mga sinunog na baboy upang hindi magbuga ng makapal na usok.
Ilang residente sa lugar ang nagrireklamo sa masangsang na amoy na kanilang naaamoy mula sa nabanggit na hog farm at nangangambang baka ito makaapekto o magdulot ng peligro sa kanilang kalusugan.
Ayon kay Gomez, posibleng ang ginagamit na disinfectant lamang ang naaamoy ng mga residente subalit wala aniyang dapat ipag-alala rito.
Samantala, inaasahan namang maipalalabas na bukas ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa water sample sa Pandi, upang matiyak na ligtas ito sa mga residente matapos ang depopulation process. (Angie dela Cruz)