Ebola sa Bulacan, di pa rin tapos
MANILA, Philippines - Bagamat nasunog na ang may 6,000 baboy na infected ng ebola reston virus sa Pandi, Bulacan, hindi pa rin umano tapos ang problema sa nasabing virus sa lalawigan.
Ayon kay Bureau of Animal Industry (BAI) Director Dave Catbagan, tapos na tapos na nga ang depopulation o pagpatay sa mga baboy ngunit kailangang siguruhin muna nilang wala nang lugar sa buong Bulacan gayundin sa iba pang lugar sa bansa na kinapitan ng ebola reston virus.
Aniya, umabot sa 6,210 na baboy ang sumailalim sa depopulation process at siniguro nilang lahat ay nasunog at naibaon noong Biyernes ng gabi..
Pinasimulan na rin umano nila ang paglilinis sa hog farm ngunit aabutin umano ng anim na buwan bago muling makapag-alaga ng baboy ang mga hog farmers dito.
Samantala, sinabi naman ni Agriculture Secretary Arthur Yap na susuyurin nila ang buong Central Luzon ngayong tag-araw kapag natanggap na nila ang Elyza test kit mula Atlanta na siyang gagamitin sa pagsusuri ng ebola reston virus.
Aniya, mahalagang magamit ang naturang test kit dahil sa pamamagitan nito ay on the spot na masusuri ang mga makukuhang blood at tissue samples at doon ay agad na malalaman kung ang isang baboy ay may sakit o wala.
Matatandaang umabot sa anim na araw ang ginawang proseso para patayin ang 6,000 baboy na may dalang ebola reston virus. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending