MANILA, Philippines - Tiwala si Public Attorney’s Office (PAO) Chief, Atty. Persida Rueda-Acosta na mapapatawad rin ng magkapatid na Kris at Senador Noynoy Aquino ang 10-sundalong pinalaya na akusado sa pagpatay sa kanilang ama.
Ito ang reaksyon ni Acosta matapos magpahayag ng pagkadismaya si Kris at Noynoy sa paglaya ng 10 sundalong sinentesiyahan ng korte matapos mapatunayang guilty sa Aquino-Galman murder case.
Ayon kay Acosta, tulad ng bilangguang may limitadong espasyo, may hangganan din ang parusang iginawad ng batas laban sa kanyang mga kliyente.
Nilinaw nito na napagdusahan na ng mga convicted soldiers ang iginawad na sentensiya sa kanila at karapatan lang nila na makalaya alinsunod sa itina tadhana ng batas.
Una nang binanggit ni Kris na walang kapatawaran ang ginawang pagpatay sa kanyang ama lalo pa at malinaw ang mga ebidensiyang nagpapatunay na sila ang pumaslang sa dating senador.
Binanggit din ni Acosta na kung ang 8 sa 10 sundalo ay nakauwi na sa kani-kanilang pamilya, sina Claro Lat at Arnulfo de Mesa ay nananatili pa rin sa pangangalaga ng PAO dahil wala ng mauwian.
Pinabulaanan naman ni Acosta na nakatanggap ng P200,000 gratuity ang 10-sundalo mula sa New Bilibid Prisons (NBP) at sinabing P200 lamang ito. (Gemma Amargo-Garcia)