Mancao pumiyok
MANILA, Philippines - Itinuro na ni dating Philippine National Police Senior Superintendent Cesar Mancao ang utak at iba pang mga sangkot sa pagpaslang sa public relation man na si Salvador Dacer at sa driver nitong si Emma nuel Corbito.
Sa isang pulong-balitaan sa National Press Club, sinabi ng isang Atty. Zenaida Ongkiko na ginawa ni Mancao ang pagtatapat sa isang sinumpaan nitong affidavit.
Si Ongkiko ay abogado ng isa sa mga anak ni Dacer na si Carina na nakabase sa United States. Nagkita sina Carina at Mancao sa isang pagdinig sa extradition treaty hearing laban sa dating pulis sa Fort Lauderdale sa Florida, U.S..
Nilagdaan ni Mancao ang affidavit noong Pebrero 14, 2009 na, rito, ipinagtapat niya ang nalalaman niya sa naturang krimen. Isa si Mancao sa mga suspek dito.
Sa nasabing sworn statement binanggit na umano ni Mancao ang pangalan ng mga personalidad na sangkot sa pagpatay pati na ang utak sa krimen.
Tumanggi naman si Ongkiko na sabihin ang iba pang nilalaman ng sinumpaang salaysay ni Mancao.
Bukod dito, nagbigay na rin ng testimonya si Mancao sa Federal District Court sa Fort Lauderdale na nagsasabing wala na siyang balak kontrahin ang hiling ng gobyerno ng Pilipinas na siya ay ma-extradite mula US pabalik dito sa bansa.
Inaasahan namang makakabalik ng bansa si Mancao sa tatlong linggo simula ngayon samantalang posible naman umanong mas maagang makauwi ang kasama nito na si dating Sr. Supt. Glenn Dumlao dahil hindi na rin ito tutol sa extradition request ng pamahalaan ng Pilipinas.
May 18 ang suspek sa Dacer-Corbito double murder case at 11 dito ay pawang mga dating miyembro ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force na kinasuhan ng Department of Justice noong 2002.
Kabilang sa mga suspek sina Mancao, Dumlao, Sr. Supt. Michael Ray Aquino, Boy Arnado, Bobby Lancauan, Boy Caladuan, Mauro Torres, Mario Sarmiento, William Reed, Ruperto Nemeno, Thomas Sarmiento at isang Lacasandile.
Ayon naman sa dating hepe ng PAOCTF na si Panfilo Lacson, malakas ang pressure kay Mancao kaya gumawa ito ng ganoong affidavit.
Ibinintang ni Lacson sa Malacañang ang naturang pressure at naniniwala siyang kakaladkarin ang pangalan niya dahil isa siya sa itinuturing na kalaban ng pamahalaan.
- Latest
- Trending