Stimulus para sa beterano: Proseso minamadali; lobbyist buking
Inatasan kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Philippine Veterans Affairs Office na madaliin ang proseso ng pagkuha ng mga benepisyo ng mga Filipino veterans.
Ginawa ng Pangulo ang utos sa kanyang mensahe sa simpleng seremonya sa Malacañang kaugnay ng ipinasang stimulus package ni United States President Barack Obama kung saan ay nakapaloob ang lump sum benefits para sa Pinoy veterans. Dapat anyang magtayo ng mga fast track centers ang PVAO sa mga lalawigan.
Layunin nito na hindi mahirapan at hindi magastusan ang mga Pinoy veterans sa pagbiyahe patungong Maynila upang iproseso ang kanilang claims.
May ilang Pinoy veterans na dumalo sa pagdiriwang sa Malacañang kahapon ang naka-wheel chair at ang iba naman ay mga naka-tungkod dahil na rin sa katandaan.
Ibinunyag din kahapon ng Malacañang na mayroong mga nagsasamantalang grupo sa mga Pinoy veterans na nagpapakilalang lobbyists para mapadali ang kanilang claim sa kanilang lump sum benefits mula sa US.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo na personal na nakarating sa kanya ang ulat mismo sa mga local government units at sa regional office ng PVAO.
Idiniin ni Fajardo na libre at walang gastos ang nasabing proseso gaya ng paliwanag ni US Ambassador Kristie Kenney.
Batay sa US stimulus package, ang mga Pinoy veterans na naka-base sa US ay tatanggap ng $15,000 habang ang mga Pinoy veterans na nasa Pilipinas ay tatanggap naman ng $9,000 bilang lump sum benefits. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending