Pandesal P1.50 na bukas
MANILA, Philippines - Magiging P1.50 na lamang ang presyo ng pandesal mula bukas.
Ayon kay Simplicio Umali, pangulo ng Philippine Baking Industry Group Inc., ang pagbaba ng halaga ng pandesal mula sa dating P2 at ibang mga uri ng tinapay ay bunga ng pagbaba ng presyo ng harina sa buong bansa.
Sinabi ni Umali na babawasan nila ng P0.50 ang presyo ng bawat pandesal habang ipapatupad naman ang P1.00 rollback sa presyo ng loaf breads.
Binanggit niya na umaabot na lamang sa P870.00 ang presyo ng harina mula sa P900 kaya minabuti nilang maibaba din ang halaga ng tinapay.
Napagkasunduan ng kanilang hanay na ang standard size ng pandesal ay gagawing 25-35 gramo, 36-45 gramo sa malaking pandesal at 46 gramo pataas ang pinamalaking pandesal.
Nilinaw naman ni Umali na wala naman silang kapangyarihan na diktahan ang maliliit na panaderya para maibaba din ang halaga ng kanilang panindang pan desal. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending