Taas matrikula ng 258 kolehiyo itinanggi ng CHED
MANILA, Philippines - Itinanggi ngayon ng Commission on Higher Education (CHED) ang naglabasang ulat na may 258 mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa na magtataas ng kanilang tuition fees sa darating na pasukan.
Sinabi ni CHED chairman Dr. Emmanuel Angeles na sa paglilibot niya sa 13 rehiyon sa bansa, halos lahat umano ng paaralan na kanyang binisita ay sumuporta sa kanyang panawagan para sa “moratorium” sa tuition fee hike dahil sa “global crisis”.
Una nang nagpalabas ng memorandum si Angeles na humihiling sa lahat ng pamantasan at kolehiyo na huwag magtaas ngayong taon ng tuition fees dahil sa inaasahang mas maraming estudyante ang posibleng hindi makapasok dahil sa sobrang hirap ng buhay.
Sinabi naman ni CHED acting Executive Director Julito Vitriolo na karapatan ng mga naturang pamantasan na magtaas ng kanilang tuition ngunit umaapela sila na suspendihin ito ngayong taon dahil sa krisis.
Sa kasalukuyang pagtataya sa kita ng mga paaralan, umaabot sa 70% ng kanilang kita ang napupunta sa pasahod at benepisyo ng mga guro at empleyado; 20% sa mga pasilidad at 10% lamang para sa kabuuang kita. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending