Disbarment vs Resado umusad na
Hiniling kahapon ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Korte Suprema na matanggalan ng lisensiya bilang abogado si Department of Justice (DOJ) State Prosecutor John Resado.
Sa complaint letter for Disbarment na inihain ng VACC sa Korte Suprema, dapat umanong matanggalan ng lisensiya bilang abogado si Resado dahil sa ipinakita nitong unethical conduct at conduct unbecoming of a member of the bar dahil sa pagkakasangkot nito sa kaso ng suhulan ng Alabang boys.
Bukod dito, kuwestiyunable din ang P1.6M na idi niposito sa bank account ni Resado at sa asawa nito noong Dis. 2, 2008 na mismong araw kung saan nilagdaan nito ang resolution na nagbabasura sa kasong droga ng Alabang boys.
Iginiit pa ng VACC na hindi katanggap-tanggap ang pahayag ni Resado na P800,000 lamang ang idineposito sa kanilang bank account na nagmula sa lending business nilang mag-asawa.
Kalakip ng nasabing letter of complaint ay ilang news clippings mula sa iba’t ibang pahayagan na nagsasaad ng mga istorya kaugnay sa P1.6M deposit sa bank account ng mag-asawang Resado.
Naniniwala naman si Resado na hindi susulong ang disbarment case laban sa kanya dahil wala umanong basehan ang alegasyon ng VACC.
Masyado rin umanong maaga para husgahan siya sa mga bagay na hindi pa naman napapatunayan. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending