Tiwala ng publiko kay Villar 'di natinag
Kahit hindi na Senate president ay lalo pang tumaas ang kumpiyansa ng publiko kay Senador Manny Villar batay sa natanggap na pinakamataas na marka na positive 61 satisfaction rating sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS).
Ang survey na ginawa noong Nob. 28-Dis. 1, 2008, ilang linggo matapos magbitiw bilang Senate President si Villar at palitan ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Sa survey ng SWS para sa satisfaction rating ng mga pangunahing lider ng bansa, tumanggap lamang si Enrile ng marking +5 bilang bagong lider ng Senado na lubhang malayo sa +42 percent na nakuha ni Villar nang maupong Senate President noong Setyembre 2006.
Samantala, si Vice Pres. Noli de Castro na laging pangalawa noon kay Villar ay nakatanggap ng satisfaction rating na +39 percent. Nabaon naman sa -17 percent si Speaker Prospero Nograles at -4 si Supreme Court Chief Justice Reynato Puno.
Kung ikukunsidera ang bagong satisfaction rating ni Villar bilang lider ng Senado, mapapantayan niya ang naitalang +61% ni dating Senate President Neptali Gonzales Sr. na ginawa ng SWS noong Setyembre 1992. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending