Hiniling kahapon ng isang non-government group kay Manila Mayor Alfredo Lim ang pagbabawal ng pagbebenta nang tingi sa mga sigarilyong itinitinda sa lunsod.
Ginawa ng The Framework Convention on Tobacco Control Alliance- Philippines ang panawagan upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kabataang naninigarilyo lalo na iyong mga estudyante sa high school.
Anila, dapat mahigpit na ipatupad ang Republic Act 9211 o mas kilala bilang Tobacco Regulation Act lalo na sa mga kabataan.
Nais din ng FCAP na ipagbawal ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagtitinda ng sigarilyo sa layong 100 metro mula sa mga paaralan, parke at iba pang mga lugar na madalas tambayan ng mga kabataan.
Ikinatuwiran ng FCAP na masyadong “affordable” ang sigarilyo kung ito ay nabibili nang “tingi” lamang kaya maraming estudyante ang nakakabili nito at kalaunan ay lulong na sa bisyo.
Gayunman, hiniling din ng FCAP na bigyan ng ibang uri ng hanapbuhay ang mga cigarette vendors sa lansangan kung sakaling patitigilin ang mga ito sa pagbebenta ng mga tinging sigarilyo.
Layon ng FCAP na hindi maging madali sa mga kabataan na makabili sa murang halaga ng anumang brand ng sigarilyo. Sinabi pa nila na ang ganitong kampanya ay isang mabisang paraan para maputol ang bisyo ng paninigarilyo ng mga kabataan.
Ayon kay FCAP Executive Director Dr. Maricar Limpin, kulang pa ang nakukuhang buwis ng gobyerno mula sa mga kompanya ng sigarilyo para ipantustos sa pagpapagamot sa mga Pilipino na nakakakuha ng sakit mula sa sigarilyo.
Batay sa datus, noong 2005-2006 ay nakakolekta ang gobyerno ng halagang P92 bilyon mula sa mga kompanya ng sigarilyo ngunit gumastos naman ang gobyerno ng halagang P276 bilyon para sa pagpapagamot ng mga Pilipino na nakakuha ng sakit dito.
Sinabi pa ni Limpin na tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit ng lung cancer, heart attacks, stroke at iba pang sakit sa baga bunsod ng paninigarilyo. (Grace dela Cruz)