Ipinahiwatig kahapon ng Malacañang na gagamitin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang veto power na, rito, hindi niya lalagdaan ang anumang panukalang-batas na bubuhay sa parusang bitay sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez na malamang i-veto lamang ni Pangulong Arroyo ang pagbuhay sa death penalty sakaling hindi mahikayat ng mga bagong argumento ang Pangulo.
Idiniin ni Golez na hindi nagbabago ang paninindigan ni Gng. Arroyo katulad ng posisyon ng Simbahang Katoliko na tumututol sa panunumbalik ng parusang bitay.
“First of all, nais nating ipaalam sa lahat na yung desisyon na tanggalin ang death penalty ay may kadahilanan. Kung meron mang ibang haka-haka o ibang pagsusuri, we will welcome those studies to come up with a better solution,” paliwanag ni Golez.
Magugunita na ilang kongresista at senador ang nagnanais na buhayin ang death penalty dahil sa kontrobersyang nilikha ng tinaguriang Alabang Boys na naunang nadakip sa bawal na gamot.