Giit ni Cardinal Rosales, Kapatawaran, hindi death penalty
Kapatawaran pa rin ang dapat na manaig at hindi ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga sangkot sa karumal-dumal na krimen sa bansa.
Ito naman ang idiniin kahapon ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales kung saan sinabi nito na hindi kamatayan ang mas epektibong pamamaraan upang tuluyan nang matuldukan ang mga krimen sa bansa kundi ang pagpapatawad.
Nabatid na ang pahayag ay ginawa ni Rosales bilang pakikiisa sa posisyon ng iba pang opisyal ng Simbahang Katoliko na tutol sa muling pagbuhay sa parusang bitay o death penalty.
Ayon kay Rosales, bagaman nasa Kongreso naman ang desisyon ukol dito, nananatili aniya ang posisyon ng simbahan sa pagsunod sa utos ng Diyos na “thou shall not kill”.
Kung mayroon aniyang nakagawa ng krimen, mayroon namang tinatawag na “forgiveness” o kapatawaran. Ang pagpapataw umano ng parusang bitay ay hindi akma sa Christian values at buo aniya ang paninindi-gan ng Simbahang Katoliko laban dito.
(Doris M. Franche)
- Latest
- Trending