'High profile drug case' imbentaryuhin - Nograles
Nagpahayag kahapon ng paniniwala si House Speaker Prospero Nograles Jr., na ang ginagawang imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa kontrobersiyal na ‘Alabang Boys illegal drug case’ ay magbibigay-daan para sa pagbuo ng mas epektibo at episyenteng lehislasyon na tuluyang tutuldok sa pamamayagpag ng drug trafficking sa bansa.
Ayon kay Nograles, suportado niya ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang isyu na posible umanong magresulta ng full inventory at disclosure ng dati pang mga drug cases na kinasasangkutan ng maimpluwensiya at high profile na personalidad.
Ang inquiry ng House committee on dangerous drugs sa pangunguna ni Rep. Roquito Ablan ay pinasimulan nitong Lunes dahil sa umano’y panunuhol sa mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ) kapalit nang pag-dismiss sa kaso na kinasasangkutan ng tatlong drug suspects na sina Richard Brodett, Jorge Jordana Joseph, at Joseph Tecson.
Umaasa ang House Speaker na lilitaw ang katotohanan sa kontrobersiya at agad na makakapagrekomeda ang Kongreso kung sinu-sinong personalidad ang nararapat na patawan ng kaso.
Hinimok din ni Nograles ang komite na bumuo ng bagong batas upang lalo pang mapalakas ang ibat-ibang law enforcement agency para labanan ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending