Paglilikas sa mga Pinoy sa Gaza, di na naman natuloy
Sa ikalawang pagkaka taon, muling nakansela ang isasagawa sanang paglilikas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pinoy na apektado ng kaguluhan sa Gaza kasunod na rin nang pinaigting na pag-atake doon ng bansang Israel.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Esteban Conejos, Jr., ang planong pag-evacuate sa mga dayuhan sa Gaza ay itinigil batay na rin sa payo ng Red Cross, na siyang mag-e-escort sa mga sibilyan palabas sa lugar.
Gayunman, tiniyak ng DFA official na wala pang Pinoy na naiulat na nasaktan sa kaguluhan sa Gaza at magpapatuloy pa rin ang kanilang pagsusumikap na maibalik sa Pilipinas ang mga ito.
Mula sa dating anim, umaabot na ngayon sa 22 Pinoy ang nabatid na nagpahayag na nang pagnanais na lumisan sa lugar.
Una nang nakansela ang planong evacuation ng DFA sa anim na Pinoy mula sa Gaza noong Lunes dahil sa lumalang kaguluhan sa lugar.
Samantala, tatlong UN-run school ang tinamaan ng pinakahuling pag-atake ng mga Israeli sa Gaza na nagresulta umano sa pagkasawi ng may 48 katao at naging dahilan din para sa panibagong pananawagan ng tigil-putukan o ceasefire.
Kabilang umano sa mga nasawi ang 43 Palestinian na nagtatago sa Jabaliya refugee camp school sa northern Gaza, habang may 55 iba pa umano ang nasugatan matapos ang pambobomba sa paaralan.
Bunsod nito, lumobo na umano sa mahigit sa 660 ang bilang ng mga nasawi sa naturang karahasan na nagsimula noon pang Disyembre 27, na kinabibilangan ng 200 bata, habang 2, 950 naman ang sugatan.
Dahil sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga nasasawi sa karahasan, sumiklab ang mga protesta laban sa Israel sa buong mundo at muling nanawagan si French President Nicolas Sarkozy at iba pang mga lider sa Israel leaders na itigil ang pag-atake at magpatupad ng ceasefire.
Nanindigan naman umano si Israeli Prime Minister Ehud Olmert na walang magaganap na ceasefire hanggang hindi natutuldukan ang “terrorist” rocket attacks at weapons smuggling sa Gaza. (Mer Layson)
- Latest
- Trending