Libu-libong estudyanteng Pilipino ang hindi na makakapag-aral sa kolehiyo dahil naglaho ang perang ipinuhunan ng kanilang mga magulang sa mga pre-need firms o seguro.
Ito ang ibinabala kahapon ni Trade Union Congress of the Philippines Secretary-General at dating Senador Ernesto Herrera na bumatikos sa pambibimbin ng Senado at ng Kamara de Representante sa pagpa patibay ng panukalang Preneed Industry Code.
Pinuna ni Herrera na kabilang sa apektado ng pagbagsak ng Legacy Consolidated Plans Inc. ang libo-libong Pilipinong karamihan ay ordinaryong empleyado at overseas Filipino worker.
Dapat anyang magmadali ang mga mambabatas para mapangalagaan ang mga nagpapaseguro o plan holder.
Sinabi ng dating senador na, hanggang sa kasalukuyan, walang proteksyon ang mga nagpapaseguro sa oras na malugi o bumagsak ang kumpanyang nagbenta sa kanila ng seguro o insurance.
Sinabi ni Herrera na, ayon sa report ng Securities and Exchange Commission, 29 sa 83 preneed firms na nakarehistro mula 1977 hanggang 1999 ang pumalya o huminto ng operasyon. Naiwang nakatanga ang libu-libong plan holder.
Sa panukalang Preneed Industry Code na nakabimbin sa dalawang kapulungan ng Kongreso, magkakaroon ng comprehensive regulatory framework na magtitiyak sa matagalang katatagan at pagpapalawak ng industriya ng seguro.
Binanggit ni Herrera na kinakatawan ng mga preneed plans ang pangarap ng daan-libong mga Pilipino na mapagtapos nila sa kolehiyo ang kanilang mga anak. (Mayen Jaymalin)