Pinakamalamig na temperatura naitala sa Baguio City
Naitala kahapon ang pinakamalamig na temperatura sa Baguio City, ang summer capital ng Pilipinas.
Sa forecast ng PAGASA, umaabot sa 9. 6 degrees Celsius ang matinding lamig ngayon sa lungsod at may posibilidad pa umanong maranasan ang mas malamig na klima sa tinaguriang “City of Pines” at ilang bahagi ng lalawigan ng Benguet sa susunod na buwan ng Pebrero dahilan sa tinatawag na ‘Siberian wind.’
Bukod sa Baguio City, dumaranas din ngayon ng matinding lamig ang mga bayan ng Atok, Buguias at Bokod sa lalawigan ng Benguet.
Samantala, tuluyan nang humina at nalusaw ang namumuong sama ng panahon na nasa karagatang nasasakupan ng Visayas Region.
Sinabi ni Ludy Alviar ng PAGASA forecasting center, unti-unting nalusaw ang nasabing sama ng panahon matapos lumapit sa kalupaan ng silangang Visayas dahil naharang umano ito ng umiiral na tail-end ng cold front malapit sa Bicol Region.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi pa manunumbalik sa normal ang kalamidad sa nabanggit na lugar dahil sa panibagong low pressure area na nabuo na naman kahapon lamang ng madaling araw.
Huli itong namataan base sa satellite and surface data sa layong 260km sa silangan ng Surigao City, Surigao del Sur at bunga nito ay inaasahang tatagal pa ang maulang panahon sa malaking bahagi ng bansa. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending