2,000 OFWs nawalan ng trabaho sa Taiwan
Tinatayang mahigit sa 2,000 manggagawang Pi noy ang nawalan na ng trabaho sa Taiwan, at posibleng maging triple pa umano ang nasabing bilang sa unang bahagi ng susunod na taon.
Ayon kay Antonio Basilio, Manila’s envoy sa Taipei, 2,073 Pinoy na manggagawa na ang na-retrench sa trabaho mula sa 49 pabrika simula noong Oktubre.
Ang pag-lay-off aniya ng mga empleyado ay epekto ng global financial crisis, lalo pa at ang ekonomiya ng Taiwan ay maituturing na “export dependent”.
Sinabi naman ni Labor attache Rodolfo Sabulao, batay sa kanilang pagtaya, 3,000 Pinoy sa Taiwan ang maaring maapektuhan ng krisis ngayong taon at karagdagang 3,000 pa sa sa pagtatapos ng unang quarter ng 2009.
Ani Basilio, hindi lamang mga Filipino workers ang apektado ng lay-offs kundi maging ang iba pang dayuhang manggagawa gaya ng Vietnamese, Indonesians, Thais at Indian nationals.
Inaasahan aniya na mas marami pang magpatupad ng layoffs sa 2009 lalo pa’t ramdam na ang epekto ng krisis sa malalaking kumpanya na ang export markets ay ang United States at Europe.
Umaabot din aniya sa 400 kada araw ang bilang ng mga OFWs na humihingi ng tulong at nagpoproseso ng kanilang mga dokumento sa Manila Economic and Cultural Office (MECO).
Sinabi ni Basilio na mayroon namang mga job openings sa mga construction at services sectors na maaring maging “fallback” ng mga Pinoy na magna nais na manatili sa Taiwan. Hindi nga lang aniya ganoon kalaki ang demand gaya ng sa mga manufacturing industry.
Ang higit aniyang nakakaawa ay ang mga bagong dating lamang na OFWs sa Taiwan na may mga naiwan pang utang sa Pilipinas. (Doris Franche/Mer Layson)
- Latest
- Trending