Pinoy kalaboso sa US sa pagbebenta ng pekeng Viagra
Nahaharap sa halos dalawang taong pagkabilanggo sa Estados Unidos ang isang Pinoy na nasangkot sa paggawa at pagpapakalat ng mga pekeng gamot tulad ng Viagra at Cialis drugs, sa pamamagitan ng internet.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang Pinoy na si Randy Gonzales, 40, na hinatulang makulong ng 20 buwan nang walang parole ng Houston court sa Texas noong Nob. 21, 2008.
Si Gonzales, na sinampahan ng kaso noong Hunyo, 2006, ang kauna-unahang dayuhan na na-extradite sa US mula sa Bangkok, Thailand, dahilan sa umano’y pagbebenta ng mga pekeng gamot.
Lumilitaw na Hulyo 2005 nang madiskubre ang paggamit ni Gonzales ng iba’t ibang email addresses kabilang na rito ang [email protected] at [email protected] para ianunsyo ang pagbebenta ng Viagra at Cialis pharmaceutical drugs sa internet.
Nabuking rin umano na isang Mohammad Ga wasmmah, na nangagasiwa ng isang tindahan sa Harwin Drive sa Houston, ang binabagsakan ng mga pekeng gamot ni Gonzales. Isa pang Fayez Aledous ang kasabwat din umano ng Pinoy.
Kabilang sa mga nasamsam ng mga awtoridad mula sa akusado ang 60,000 counterfeit Viagra pills at 15,000 piraso ng huwad na Cialis pills na nagkakahalaga ng mahigit sa $776,000. (Mer Layson)
- Latest
- Trending