QC no. 2 sa top cities
Muli na namang namayagpag ang Quezon City nang itanghal itong number 2 sa hanay ng may 20 top cities sa bansa sa isinagawang survey ng Asian Institute of Management ‘s Philippine Cities Competitiveness Ranking Project (PPCRP) of 2007.
Una nang napili ang QC bilang pinakamayamang local government unit (LGU) noong 2007 na isinagawa ng Commission on Audit makaraang makapagtala ng gross income na P8.437 Bilyon kumpara sa close competitors nitong Makati na may P8.296 Bilyon at Maynila na may P8.240 Bilyon na gross income noong nakaraang taon.
Base sa benchmark survey ng PPCRP, sa ilalim ng City Competitiveness Program ng AIM Policy Center, ang QC ay nakakuha ng 6.61 total score, ikalawa sa Davao City na nakakuha ng 7.05 score.
Ikatlo dito ang Makati na nakakuha ng 6.58 score, sinundan ng Maynila na may 6.43 score at Marikina na may 6.37 score.
Ang score mula sa survey ay mula sa galing ng bawat LGU sa pagpapatupad nito ng sistema sa aspeto ng negosyo, dynamism ng local economy, human resources at training, infrastructure, mabilis na pagkilos ng LGU sa pangangailangan ng mga negosyo at kalidad ng pamumuhay.
Ang survey ay ginawa upang mapalakas pa ng bawat Lgus ang kanilang mga programa sa nasasakupang lugar para sa kapakanan ng kani-kanilang mga constituents.
Kaugnay nito, iniulat din ni City Treasurer Victor Endriga na ang QC ngayon ay may budget surplus na P654,545,363 makaraang makakolekta ng gross tax collection na P9,166,973,363 nitong Nobyembre 11,2008.
Anya, ang sobrang pondo na nakolekta ng city government ay dulot ng epektibo at mahusay na pagkolekta ng buwis sa ibat ibang revenue generating agencies/department ng city government tulad ng Business Permit and Licensing Office, Assessors Office, Engineering Dept., Liquor Licensing and Regulatory Board, DPOS at Market Development Administration Dept.
- Latest
- Trending