Umani ng papuri mula kay British Deputy Ambassador to the Philippines Colin Crorkin ang pinadaling proseso ng mga transaksiyon sa Bureau of Immigration (BI).
Aniya, kuntento ang mga dayuhan, partikular ang mga Briton, sa mas mabilis na serbisyo ng BI kasabay ng pasasalamat kay BI Commissioner Marcelino Libanan sa pagpapatupad nito ng pagbabago sa visa services ng ahensiya.
“It seems that customer satisfaction ratings are going up and revenue collection is going up, too, so we thank (Immigration) Commissioner Marcelino Libanan,” wika ni Crorkin sa regular na Warden’s Conference na inorganisa ng British embassy.
Si Libanan ay guest speaker sa Warden’s Conference na ginawa sa British embassy premises sa Taguig City kamakailan.
Hinikayat ni Crorkin ang mga British wardens na pagandahin ang kanilang immigration services sa pamamagitan ng pagrerekomenda ng pagbabago na makatutugon sa pangangailangan ng British nationals na nasa Pilipinas.
Personal na tinanggap ni Libanan ang mga testimonya ng ilang British wardens ukol sa kanilang karanasan sa pakiki pagtransaksiyon sa BI, at isa sa kanila ang nakapansin sa malaking kabawasan sa oras ng paghihintay sa proseso ng exit permits, mula sa ilang araw patungo sa kalahating oras.
Tiniyak naman ni Libanan na marami pang pagbabago ang nakalinya upang pabilisin pa ang transaksyon sa BI. (Butch Quejada)