Inutos na ng Senado ang pag-aresto kay dating PNP comprtoller Eliseo dela Paz matapos ipalabas kahapon ang warrant kaugnay ng pang-iisnab nito sa naunang hearing ng Senate Committee on Foreign Relations ni Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Sinabi ni Senate President Manuel Villar na lumagda rin sa arrest warrant na inatasan na niya ang Office of the Sergeant-at-Arms upang damputin si dela Paz.
Bukod kay Villar, lumagda rin sa arrest warrant sina Santiago, Mar Roxas, Edgardo Angara, Richard Gordon, Gregorio Honasan, Ramon “Bong” Revilla Jr., Rodolfo Biazon, Ana Consuelo “Jamby” Madrigal, Loren Legarda, Francis “Kiko” Pangilinan, at Aquilino Pimentel Jr.
“Sapat na yan (bilang ng mga pumirmang senador) para pirmahan ko at yan ay sang-ayon na sa rules ng Senado, kaya wala akong nakikitang problema dito,” sabi ni Villar.
Makakatuwang ng komite ni Santiago sa gagawing imbestigasyon ang Blue Ribbon Committee ni Sen. Alan Peter Cayetano. Matatandaan na pinigil si dela Paz at asawa nitong si Maria Fe sa Moscow airport noong Oktubre 11 dahil hindi nila idineklara ang 105,000 Euros o P6.9 milyon na sinasabing cash advances ng PNP.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa kanyang quarter sa loob ng Camp Crame si dela Paz.
Ipinaliwanag ni PNP Spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome na sinumang opisyal na dating naka-okupa sa housing facility ng isang ahensiya ng gobyerno ay maaari namang maghain ng request para sa extension.
Isa anya sa mga dahilan sa paghingi ni dela Paz ng eextension para makapanatili pa sa kanyang quarters ay upang matapos muna ang clearance nito at iba pang accountabilities sa PNP. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)