Tatlumpu’t siyam katao ang kumpirmadong nasawi habang 76 ang nailigtas makaraang aksidenteng lumubog ang isang pampasaherong lantsa na binalya ng malakas na alon at hangin sa karagatan ng Masbate kahapon ng hapon.
Ayon kay Masbate Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, dakong ala-1 ng hapon nitong Martes nang lumubog ang lantsang Don Dexter Cathlyn sa karagatang sakop ng Brgy. Magcaragit, Dimasalang ng lalawigang nabanggit.
Biyaheng Bulan ang lantsa galing sa Dimasalang nang biglang hampasin ng super lakas na hangin at alon may 5 kilometro ang layo mula sa dalampasigan.
Kabilang sa narekober na bangkay ay tatlong babae at tatlong sanggol.
Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay Sindac, nabatid na may 119 ang pasahero na nasa manifesto ng nasabing lantsa ng mangyari ang insidente.
Kabilang naman sa sinisilip na anggulo sa paglubog nito ay ‘overloading ‘habang patuloy ang isinasagawang search and rescue operations sa apat pang nawawalang biktima.