Purified water isisilbi sa mga resto, fast food sa Valenzuela
Batas na ang “Purified Drinking Water Ordinance” matapos itong lagdaan ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian.
Ayon sa may akda na si Councilor Alvin Feliciano, sa pamamagitan nito ay hindi na mangangamba ang mga residente na makainom ng maruming tubig sa mga kainan sa lungsod na pinanggagalingan ng mga sakit tulad ng diarrhea.
Nakasaad sa nasabing batas na kailangan purified water ang ibibigay sa mga kumakain sa mga food chain, restaurant at iba pang kainan sa lung sod.
Tanging ang Health Office ng lungsod ang magpapatupad ng nasabing batas kung saan papatawan ng P1,000 sa unang paglabag, P2,500 sa ikalawa at P3,500 sa ikatlo at pansaman talang suspensiyon ng kanilang business permit sa loob ng 15 araw.
Sa ikaapat ay P5,000 ang multa at suspensiyon ng business permit ng 30 araw habang permanenteng pagtanggal ng business permit sa panglimang paglabag.
“Inaasahan natin ang pakikipagtulungan ng mga negosyante (may-ari ng fast food, restaurant at iba pang katulad nito) na sumunod sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa para na rin masiguro ang kalusugan ng kanilang mga parukyano,” pagtatapos ni Feliciano. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending