Namemeligrong masampahan ng kaso ang money changer na pinagpalitan ng milyones na Euro na binitbit sa Russia ni ret. PNP Comptroller Eliseo dela Paz.
Ito’y matapos na ihayag ng Bangko Sentral’s Anti-Money Laundering Council (AMLC) na bigo ang F$N Money Changer na i-report sa kanila ang kahina-hinalang pagpapalit ng Euro sa kanilang shop.
Una nang inamin ni Gal Wadja, manager ng naturang money changer na matatagpuan sa Padre Faura, Ermita na isang hindi nakikilalang lalaki ang nagpapalit sa kanilang shop ng Euros kada linggo at huli na nang malaman ng mga ito na ang naturang tao ay isa sa mga tauhan ni dela Paz.
Sa panig ng AMLC, batay sa Circular 471 Section 9 ng BSP, obligasyon ng mga money changer ang iulat sa kanila ang anumang foreign exchange transaction na lalampas sa P500,000.
Sa kaso umano ni dela Paz na nakapagpapalit ng 105,000 Euros ay mas kahina-hinala lalo pa at Euro sa halip na dollars ang binili nito. (Joy Cantos)