Multa sa walang helmet itinaas ng LTO
Itinaas na ng Land Transportation Office (LTO) ang penalty sa mga taong makikitang hindi gumagamit ng helmet sa panahon na minamaneho ang motorsiklo sa mga lansangan.
SInabi ni LTO Chief Alberto Suansing, mula sa dating presyo na P150.00 na penalty sa mahuhuling walang helmet, ginawa na niya ito ngayong P1,000.
Binigyang diin ni Suansing na mas mainam na maitaas ang penalty sa naturang non-moving traffic violation upang mapilitan ang mga bikers na magsuot ng helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.
Ani Suansing, ang pagsusuot ng helmet ay isang proteksiyon ng isang biker habang nakasakay sa motorsiklo kaya dapat itong gawin.
Niliwanag din ni Suansing na hanggang dalawa lamang ang sakay ng motorsiklo pero dapat ang mga ito ay pawang nakasuot ng helmet alinsunod sa batas. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending