P2.50 bawas pasahe sa jeep hinirit
Nagsampa ng petisyon sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa fare rollback ang isang commuter protection group dahil sa patuloy na pagbaba ng halaga ng petroleum products.
Ayon kay Elvira Medina, pangulo ng National Council for Commuter Protection Inc, hinihiling nila sa LTFRB ang pag-rollback sa minimum na pasahe sa jeep na P6.00 o bawas na P2.50 sa kasalukuyang minimum na pasahe na P8.50 dahil patuloy naman ang pagrollback sa halaga ng petroleum products sa bansa tulad ng gasolina at krudo.
Sinabi ni Medina na kanilang nadiskubre na humihiling ng napaka taas na singil sa pasahe ang mga pampasaherong sasakyan noong may serye ng oil price hike dahil ginagamit nilang basehan ang napakataas na fuel price projection.
Sinisi din nito ang mga driver na nagsasabing sobrang malaki ang kanilang gastusin sa krudo o gasolina sa kanilang sasakyan dahil sa mataas na halaga ng petroleum products pero sa katunayan, matakaw kumain ng krudo o gasolina ang kanilang sasakyan dahil sa luma nilang makina.
Bagamat hati pa ang reaksiyon ng publiko sa usapin ng fare rollback umaasa naman ang naturang grupo na mapapagbigyan ng LTFRB ang kanilang petisyon.
Sa panig naman ng transport group gaya ng Pasang-Masda at United Transport Alliance Koalisyon (1-UTAK), papayag sila sa fare rollback kung aabutin na sa P44 ang halaga ng diesel kada litro. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending