Dawit sa human smuggling, Immig officer sinibak!
Sinibak kahapon ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang isang babaeng immigration officer na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahilan sa umano’y pagkakasangkot sa tangkang pagpapaalis sa 17 kababaihan na pawang menor-de-edad patungong Hongkong at Middle East.
Nagpalabas si Libanan ng “order” para sa pagsibak sa pwesto kay immigration officer Mindaya Ombawa.
Mananatili muna si Ombawa sa BI main office sa Intramuros, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kanya.
Maliban dito, inatasan na rin ni Libanan si NAIA-BI head supervisor Ferdinand Sampol na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa kaso kasabay sa pagsasabing hindi siya mangingiming suspindihin o tuluyang sibakin si Ombawa sa sandaling mapatunayang guilty ito sa nasabing kaso.
Siniguro naman ni Libanan na mapagkakalooban ng “due process” si Ombawa at bibigyang pagkakataon na idepensa ang sarili sa pamamagitan ng pagkuha ng abogadong magta tanggol sa kanya.
Batay sa ulat, ang 17 pasahero ay naharang ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa NAIA 3 terminal habang papasakay sa Cebu Pacific Airlines flight patungong Hongkong at Middle East.
Ang mga menor de edad ay mula sa Maguindanao at Cotabato sa Mindanao kung saan nadiskubreng tampered ang mga pasaporte ng mga ito.
Si Ombawa, na nakatalaga sa old NAIA terminal ang umano ay nag-utos sa mga pasahero na mag check-in sa airline counters at magtungo sa kaniya sa BI counter para sa departure clearances.
Bukod dito nadiskubre din na sa sasakyan ni Ombawa nagtatago ang mga illegal recuiter na sina alyas Teng at Toni. (Gemma Amargo-Garcia/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending