Iniutos ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan ang buwanang performance evaluation ng buong immigration workforce na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) umpisa ngayong buwan.
Inatasan ni Libanan si BI NAIA Operations Chief Ferdinand Sampol na pangunahan ang evaluation na isasagawa upang lalo pang pagandahin ang serbisyong ibinibigay ng ahensiya sa mga Pilipino at dayuhan.
Ayon kay Sampol, nais ni Libanan na bigyan ng rating ang workforce batay sa apat na kategorya — decorum, attitude, personality at attendance — na ituturing na confidential.
Ang mga officer na makakakuha ng magandang rating ay irerekomenda sa one-rank promotion, ngunit ang makakakuha ng dalawang unsatisfactory rating ay ibabalik sa main office at aalisan ng overtime pay at maaari pang masibak sa serbisyo.
Bilang “guardian of the gates”, sinabi ni Libanan na ang motivation ng BI employees ay hindi dapat manggaling sa suweldo kundi sa pagnanais na pagsilbihan ang taumbayan. (Butch Quejada)