Ipapatawag na sa darating na Martes si Court of Appeals (CA) Associate Justice Jose Sabio bilang pagsisimula ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa umano’y tangkang panunuhol sa Mahistrado ng Appellate court kaugnay pa rin sa kaso ng Meralco at Government Service Insurance System (GSIS).
Ayon kay Justice Undersecretary Ernesto Pineda, head ng investigating panel na ipinatawag na nila si Justice Sabio sa Martes Setyembre 16, 2008 dakong alas-10 ng umaga.
Nilinaw ni Pineda na ia-affirm lamang ni Sabio ang kanyang naunang affidavit sa Korte Suprema at dito sesentro ang imbestigasyon ng panel sa kanyang naunang nilagdaang salaysay.
Matapos umanong lumagda ni Sabio sa kanyang affidavit ay susunod na ipapatawag ang negosyanteng si Francis de Borja upang makapagsumite ng kanyang counter affidavit sa loob ng 10 araw.
Kung kinakailangan din umano ay ipapatawag din si Evelny Clavano na sinasabing kaibigan ni Sabio at de Borja na siyang nakakaalam sa umano’y naganap na suhulan.
Iginiit din ni Pineda na sa ngayon ay hindi na kailangan pang pumasok ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil si Sabio naman ang complainant dito at natapos na ang kaso mula sa Korte Suprema at limitado lamang ito sa kasong attempted bribery.
Subalit kung madiskubre umano ng panel na mayroong tumanggap ng pera sa nasabing kaso ay maaring pumasok ang NBI at mag-imbestiga upang makapagsampa ng iba pang kaso na may kinalaman dito.
Inaasahan namang matatapos ng panel ang imbestigasyon sa loob ng 30-araw kung saan magpapalabas na resolusyon para sa nasabing kaso. (Gemma Amargo-Garcia)