Maging ang abogado ni First Gentleman Mike Arroyo na si Atty. Jess Santos ay nakialam din sa kaso ng Manila Electric Company (Meralco) laban sa Securities and Exchange Commission (SEC) at sa Government Service Insurance System (GSIS).
Ito ang ibinunyag kahapon ni PCGG Chairman Camilo Sabio sa cross examination sa pagpapatuloy ng pagdinig sa isyu ng suhulan sa Court of Appeals (CA).
Ayon kay Sabio, tumawag si Atty. Santos na miyembro din ng board of trustees ng GSIS para sabihing may inihahanda nang TRO na papabor sa petition ng Meralco.
Bukod dito hiniling din umano ni Santos kay Sabio na kausapin nito ang kanyang kapatid na si CA Associate Justice Jose Sabio upang itanong ang estado ng kaso matapos na malamang ito ang chairman ng dibisyong magpapalabas ng TRO.
Kinuwestiyon naman ni retired Supreme Court Justice Romeo Callejo si Chairman Sabio kung bakit hindi man lamang ito nagtaka nang sabihin sa kanya ni Santos na inihahanda na ang nasabing TRO.
Giit ni Callejo, bilang isang abogado dapat umano ay nagduda na si Chairman Sabio kung bakit may alam si Santos sa mga kasong nakabinbin sa CA gayung hindi naman ito bahagi ng nasabing korte.
Kasabay nito, inamin ni Sabio na layunin niyang papanaluhin ang GSIS sa nasabing kaso nang tawagan niya ang kaniyang kapatid na Mahistrado at hilingin ditong tulungan ang GSIS.
Paulit-ulit namang tinanong ng mga miyembro ng panel si Chairman Sabio kung sa tingin ba nito ay walang iregularidad at ilegal sa ginawa niyang tila pag-impluwensya sa kaniyang kapatid sa gagawing pagdedesisyon sa kaso ng MERALCO.
Pero paulit-ulit ding sinagot ni Sabio na wala siyang nagawang pagkakamalli at walang sinomang makapagsasabi sa kaniya na siya ay nag-lobby para sa GSIS. (Gemma Amargo-Garcia)