Hinimok ng isang alyansa ng mga samahan ng mga overseas Filipino workers sa Middle East si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ipatigil ang military operations sa Mindanao bilang pagpapakita ng respeto sa gagawing paggunita sa buwan ng Ramadan sa Setyembre.
Ayon sa Migrante Middle East na may mga miyembrong Muslim, bilang commander-in-chief, dapat ipatigil ng Pangulo ang operasyon ng militar sa Mindanao upang maipakita ang paggalang sa Ramadan na isang banal na okasyon para sa mga Muslim.
Kinondena rin ng grupo ang anila’y pag-i-initiate ng pamahalaan ng labanan sa Mindanao dahil sa kontrobersyal na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain.
Iginiit naman kahapon ng Pangulo sa Organization of Islamic Conference na walang inilulunsad na all-out-war ang gobyerno laban sa Moro Islamic Liberation Front sa Mindanao.
Sinabi ni Pangulong Arroyo sa kanyang talumpati sa ground breaking ng Global Gateway Logistics City na ang military at police operations ay laban lamang kina Kumander Umbra Kato at Ku mander Bravo na responsable sa pag-atake sa mga sibilyan at militar sa Lanao del Norte, North Cotobato at Saranggani. (Mer Layson at Joy Cantos)