STL sa Albay pinapatigil
Hiniling kahapon ni Albay Governor Joey Sarte Salceda sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ipahinto sa lalong madaling panahon ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa kan yang probinsiya dahil sa ginagawa na umanong “front” ito ng illegal na operasyon ng juteng.
Sa isang statement, inatasan na rin ni Salceda si Sr. Supt. Joel Baloro director ng Albay Police Provincial Office, na kaagad makipag-ugnayan sa PCSO para sa mabilisang pagpapahinto ng STL sa buong Albay province.
“PCSO has full control and directly manages the numbers game [STL] in Albay. Since I assumed office, I appointed [former jueteng whistleblower] Boy Mayor to monitor it. But given persistent media reports [about alleged underdeclaration of bet collections], I ordered the PNP Provincial director to tell PCSO: ‘Stop STL Operations’,” ani Salceda.
Kasabay nito, nanawagan din ang gobernador sa Simbahang Katoliko, particular na kay Mos Rev. Lucilo Quimbao, auxillary bishop ng Legaspi, at iba pang kaparian sa probinsiya na tulungan siyang imonitor kung may operasyon pa bang STL sa buong Albay.
Bukas umano lagi ang kanyang tanggapan para aksiyunan kung may operasyon pa ng illegal na pasugalan sa kanyang nasasakupan, sabi pa niya.
Kung matatandaan, sinisi ni dating Senate star witness Sandra Cam ang tanggapan ni Salceda kung bakit patuloy umanong nag-ooperate ang jueteng sa kanilang probinsiya dahil na rin sa pagbubulag-bulagan ng gobernador na ipatupad ang mahigpit na kampanya laban sa illegal na sugal. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending