Lacson may pasasabugin!
Pinag-iisipang mabuti ngayon ni Sen. Panfilo Lacson kung itutuloy pa ang kanyang panibagong expose laban sa Malacañang dahil baka daw ito makasama sa kalusugan ni First Gentleman Mike Arroyo.
Sinabi ni Sen. Lacson, kumpleto na ang kanyang mga dokumento para sa kanyang expose pero nagdadalawang-isip siya kung itutuloy pa niya ang kanyang privilege speech na matindi pa raw sa Jose Pidal chapter 1,2 at 3.
“Kung ngayon ako magde-deliver halimbawa ng privilege speech, more or less kumpleto na ang expose. Meron na tayong mga larawan, dokumento pero matagal ko nang pinag-iisipan kung idedeliver ko ba ito, dahil baka lalong makasama sa karamdam ni FG,” wika pa ni Lacson.
Aniya, isa siyang Kristyano na mayroong Christian value kaya tinitimbang niya kung itutuloy pa ito dahil baka naman makasama pa sa kalusugan ng Unang Ginoo ang kanyang gagawing expose.
“Consistent naman ako dyan, kapag maysakit na hangga’t maari gusto naman nating gumaling ang maysakit, kung malakas na,” dagdag pa ni Lacson.
Naghihinakit din si Lacson dahil bakit siya na walang pork barrel ang isinasailalim ng Malacañang sa lifestyle check bukod sa gustong gamitin ng Palasyo ang kanyang dating tauhan na si Col. Cesar Mancao upang buhayin ang kaso ng nawawalang si PR man Buddy Dacer at driver nito. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending