Isinisi kahapon ni Sen. Mar Roxas ang nangyayaring kaguluhan ngayon sa Mindanao sa Memorandum of Agreement ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front sa ancestral domain na pansamantalang pinigil ng Korte Suprema sa bisa ng Temporary restraining order.
Kaugnay nito, nagsampa ng mosyon si Roxas, pangulo ng Partido Liberal, sa Korte Suprema para tuluyan nang ibasura ang MOA.
Sinabi ni Roxas na “nagsalita na ang taumbayan at hindi sila papayag na basta na lang matsa-chop-chop ang bansa natin gawa nitong MOA na produkto ng pamimilit at panloloko.”
Iginiit ni Roxas na labag sa Konstitusyon ang MOA dahil gagawa ito ng isang estado sa loob ng Pilipinas.
“Matagal nang ninanais nating lahat, mas lalo ang mga taga-Mindanao, ng kapayapaan at katahimikan. Ngunit paano magkakaroon ng kapayapaan kung ang kasunduan mismo ay hindi dumaan sa konsultasyon ng mga maaapektuhan nito?” ani Roxas.
Sumasama si Roxas sa petisyon ng mamamayan ng North Cotabato sa pangunguna nina Governor Jesus Sacdalan at Vice-Governor Emmanuel Piñol at mamamayan ng Zamboanga City sa pangunguna nina Mayor Celso Lobregat at kongresistang sina Isabelle Climaco at Erico Fabian. Dahil sa naturang petisyon ay nagpalabas ng TRO ang mataas na hukuman na pumigil sa paglalagda sa MOA sa Malaysia noong Agosto 4.