Inalok ni Pangulong Arroyo ang kanyang cabalen na pamunuan ang Commission on Higher Education (CHED) na binakante ni SSS Administrator Romulo Neri.
Ayon sa Malacañang source, inalok umano ng Pangulo na maging chairman ng CHED si Angeles University Foundation chancellor Manuel Angeles.
Sinabi ng source, very much qualified si Angeles sa puwesto dahil sa pagiging abugado nito at pagkakaroon ng master of laws at doctor of philosophy.
Ayaw naman itong kumpirmahin ni Press Secretary Jesus Dureza dahil ang alam daw niya ay kinukunsidera din ni Mrs. Arroyo sa posisyon si Western Mindanao State University president Eldigario Gonzales.
Kilalang malapit si PGMA sa pamilya Angeles dahil ang kanyang yumaong ama na si Pangulong Diosdado Macapagal ay chairman of the board ng Angeles University hanggang sa mamatay ito noong 1997.
Naunang lumutang din ang pangalan ni dating Sen. Tessie Aquino-Oreta na ilalagay ni PGMA sa CHED. Tumakbo si Oreta sa nakaraang senatorial elections sa ilalim ng Team Unity. (Rudy Andal)