Mismong mga emple yado ng Energy Regulatory Commission ang dismayado umano sa paghirang kay dating Pampanga Rep. Zenaida Ducot bilang bagong hepe ng ERC.
Nabatid kay Sen. Panfilo Lacson na nakatanggap na siya ng ulat na nagkakaroon na ng demoralisasyon particular na iyong mga officials at rank and file dahil sa pagpasok ni Ducot sa ERC.
“Mukhang mas seryosong makontrol ang energy sector. Biglang naging chairman ng Committee on Energy si Mikey Arroyo. Pagkatapos mag-retire ni Albano sa ERC, pumalit Kapampangan at malapit sa pangulo,” ani Lacson sa radio interview kahapon.
Nagtataka si Lacson kung bakit mga malalapit kay Pangulong Arroyo ang nakapaligid ngayon sa pamamahala sa enerhiya. Mahirap aniya paniwalaan na interes ng taumbayan ang nasa likod nito dahil mas madali aniyang isipin na personal na interes na ito ng palasyo ng Malakanyang.
Para kay Lacson, ang paghirang kay Ducot bilang ERC chair ay kabayaran na lamang sa hindi nito pagtakbo noong nakalipas na halalan para lamang bigyang daan ang pagtakbo sa 1st district ng Pampanga ni presidential son Mikey Arroyo.
Nagbanta naman si Lacson na hindi siya titigil hangga’t hindi nabubusisi ang tunay na dahilan kung bakit mistulang nagkakaroon na ngayon ng ‘monopolya’ sa mga malalapit sa Malakanyang sa pagpuwesto sa mga industriya ng enerhiya.
Samantala, sinabi naman ni administration Senator Richard Gordon na dapat bantayan si Ducot kung paano niya gagampanan ang bagong puwesto bilang ERC chair.
Hindi naman kasi lingid aniya sa kaalaman ng lahat kung gaano kasalimuot ang tanggapan ng ERC para hawakan ng isang dating kongresista na kuwestiyunable pa rin kung may nalalaman ba talaga sa industriya ng enerhiya.
Bukod dito, nais ni Gordon na marinig ang paliwanag ni Ducot kung ano ba talaga ang relasyon nito sa suspected jueteng lord na si Bong Pineda.
Pinagbibintangan din si Ducot na bumagsak umano ng apat na ulit sa bar exam bago ito naging ganap na abogado. (Butch Quejada)