Pinakikilos na ng Senado ang Malacañang para maisalba ang nasa 35 overseas Filipino workers (OFWs) na nasa death row.
Sa Senate Bill 421 na inihain sa Senado nakasaad na 35 OFWs ang nahaharap sa parusang bitay kung saan isa ang nasa Brunei, 2 sa China, isa sa Amerika, 4 sa Kuwait, 9 sa Saudi Arabia at 10 sa Malaysia.
Hindi binanggit ang pangalan ng 35 Pinoy workers, maliban sa walong nakabilanggo sa ibat-ibang panig ng mundo at kasalukuyang nililitis ang mga kaso, kabilang sina Idan Tejano, Marjan Sakilan, May Vecina, Rodelio Lanuza, Edison Gonzales, Eduardo Arcilla, Rolando Gonzales at Nelson Diana.
Magkahiwalay ang kaso nina Tejano at Sakilan sa Kingdom of Saudi Arabia kung saan nililitis ang public aspect sa Jeddah Grand Crout habang nadesisyunan ng Supreme Judicial Court ang private aspect nito.
Nakabilanggo naman sa Kuwait si Vecina at patuloy nililitis ang kaso habang si Lanuza ay dinidinig ang public aspect ng kaso sa Damman Grand Court at kabilang naman sa 72 Pinoy workers sina Arcilla at dalawang Gonzales habang si Diana ay nililitis sa Malaysian High Court. (Malou Escudero)