May 50 pang bangkay na pinaniniwalaang biktima ng paglubog ng M/V Princess of the Stars ang natagpuang lumulutang sa bahagi ng Burias Island.
Ayon kay Navy Spokesman Lt. Col. Edgard Arevalo, ang mga bangkay ay natagpuan may 10 nautical miles ang layo mula sa karagatan ng Burias Island sa Masbate.
Sinabi ni Arevalo na prayoridad ng mga search and retrieval team ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na marekober ang nasabing mga bangkay dahilan kung magtatagal pa ito ay mahihirapan nang makilala ang mga biktima.
Sa kasalukuyan, dahil pansamantalang ipinatigil ng pamahalaan ang search and retrieval operations ng mga divers sa Romblon, nakatuon muna ang kanilang konsentrasyon sa iba pang lugar na kinapadparan ng mga biktima ng trahedya.
Umaabot na sa 173 bangkay ng mga pasahero ng MV Princess ang narerekober, ayon sa report ng National Disaster Coordinating Council kahapon.
Sinabi ni NDCC Executive Director Glenn Rabonza na naitala naman sa 56 ang survivor sa paglubog ng naturang barko sa kasagsagan ng bagyong Frank noong Hunyo 21. (Joy Cantos)