Tatanggap ng mga libreng uniporme, gamit sa eskuwela at aklat ang may 100,000 mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Pasig City, mula day care hanggang kolehiyo, bilang ayuda sa kanila ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Robert C. Eusebio.
At, bilang dagdag na paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Martes, Hunyo 10, inatasan na din ni Mayor Eusebio ang mga kagawaran ng lungsod na may kinalaman sa trapiko at seguridad na tiyakin ang kaligtasan at maayos na pagbabalik sa eskuwela ng mga estudyante. Hiniling din niya sa lokal na pulisya na paigtingin ang mga operasyong panseguridad sa paligid ng lahat ng paaralan sa Pasig.
Sinabi ni Mayor Eusebio na sa kabila ng malaking itinaas ng bilang ng enrollment sa mga pampublikong paaralan, handa ang pamahalaang lungsod na tustusan ang mga libreng gamit at uniporme ng mga mag-aaral sa public schools.
Lahat nang mga mag-aaral sa pampublikong elementary at high school sa Pasig ay makakatanggap ng libreng mga aklat, workbook, skills book, notebook, bag, t-shirt, sapatos na itim, gomang sapatos at jogging pants, ayon sa education unit ng lungsod.
Ang mga mag-aaral sa special education (SPED) classes at day care centers ay tatanggap din ng libreng bag na may lamang kagamitan sa eskuwela, samantalang ang mga mag-aaral sa kolehiyong pampubliko sa lungsod, ang Pamantasan ng Lungsod ng Pasig, ay bibigyan din ng mga libreng notebook. (Edwin Balasa)