Hiniling ng mga kaanak ng napatay na mga miyem bro ng Kuratong Baleleng na desisyunan na ng Korte Suprema ang petition ng Department of Justice (DOJ) at ng Office of the Solicitor General na naglalayong buhayin ang kaso laban kay Sen. Panfilo Lacson at sa mga tauhan ng binuwag na Presidential Anti-Crime Commission (PACC).
Sa pulong balitaan kahapon sa pangunguna ng Free Legal Assistance Group o FLAG, nagpahayag ng pangamba ang mga kamag-anak ng napatay na tuluyang malusutan ng kampo ni Lacson ang pananagutan dahil sa masyado ng matagal na nakabinbin ang kaso at posibleng masira na rin ang lahat ng ebidensiya laban sa grupo ng senador lalo pa at hindi ito naipreserba.
Nakiusap na rin ang mga kamag-anak ng mga biktima na unahin o iprayoridad ng Korte Suprema ang paghatol sa kaso upang makamit na nila ang katarungan.
Nangangamba din sila dahil hanggang sa kasalukuyan ay nasa puwesto pa rin ang mga nasa likod ng pagpaslang sa mga miyembro ng Kuratong na anumang oras ay maaring maghasik ng banta sa kanilang buhay.
Matatandaan na noong Marso 2004 ay dumulog sa SC ang DOJ at OSG upang ipawalang bisa ang naging kautusan ni QCRTC Judge Teresa Yaddao na nagpawalang sala sa grupo ni Lacson. (Gemma Amargo-Garcia)