Arraignment vs Perez itinakda ng Sandiganbayan
Itinakda na ng Sandiganbayan 3rd division ang pagbasa ng sakdal laban kay dating Justice Secretary Hernando Perez sa Mayo 21 para sa kaso nitong falsification of public documents.
Ito’y kaugnay sa kabiguan ni Perez na ideklara sa kanyang 2001 statement of assets and liabilities and networth (SALN) ang halagang US$1.7-milyon na naka-deposito sa bank accounts nilang mag-asawa.
Samantala ang isang kaso nitong katiwalian ay una nang itinakda ng Sandiganbayan 1st division sa Mayo 16 habang ang kasong robbery na nasa 2nd division ay sa Mayo 23, at ang ikalawang kaso nitong katiwalian ay nakabinbin pa rin sa 4th division.
Nakatakda namang resolbahin ng 2nd division ang mosyon para pahintulutang makapagbiyahe sa ibang bansa ang isa pang akusadong si Ernest Escaler sa Mayo 13. Tumanggi ang abogado ni Escaler na si Atty. Arnold Corporal na ihayag kung saan bansa, kung kelan at kung ilang araw ang gustong hilingin sa korte ng kanyang kliyente na makapag-abroad.
Pero tiniyak nito na tungkol sa negosyo ang sadya ng planong pangingibang-bansa ni Escaler. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending