Tila maagang nagsawa sa pulitika si Pampanga Governor Ed Panlilio mata pos na ihayag nito na hindi na siya tatakbo pang muli dahil ang prayoridad umano niya ngayon ay makabalik kaagad sa pagkapari sa oras na matapos na ang kanyang termino bilang gobernador.
Ayon kay Panlilio, kailanman ay wala siyang plano o intensiyon na iwanan ang kanyang priesthood dahil mahal na mahal niya ito.
Gayunman, binigyang-diin ng gobernador na sa 27 taon niya sa pagkapari ay hindi na aniya ang sarili niya ang kanyang iniisip kundi ang kagustuhan ng Diyos kaya bagamat nais niya kaagad na bumalik sa paglilingkod sa Diyos, kung may iba aniyang plano para sa kanya ang Panginoon, ay ito ang kaniyang susundin.
Nilinaw din naman ng gobernador na hindi siya nagprisinta upang tumakbo kundi itinulak lamang upang tumakbo sa halalan, dahil mahal na mahal aniya niya ang pagkapari.
Nang tanungin kung magpapahinuhod ba ito sakaling muling itutulak upang tumakbo sa pampanguluhang halalan sa taong 2010, sinabi ni Panlilio na, “I really want to go back to my ministry. That’s my first love, pero sa edad ko na ito, we always take the cue from God. We always take our decision sa gusto ni God.” (Doris Franche)