Muling nagbanta ang grupo ng mga panadero sa bansa sa nakaambang panibagong taas-presyo ng pandesal at iba pang tinapay dahil na rin umano sa panibagong pagtaas ng presyo at krisis ng arina na pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.
Ayon sa Filipino-Chinese Bakers Association, inaasahang aabot pa sa presyong P1,000 kada sako ang arina sa mga susunod na linggo.
Mula sa dating P580 noong nakaraang taon ay nasa P970 kada-sako na ito sa kasalukuyan.
Ayon pa sa grupo na anumang araw mula nga yon ay itataas na nila ang presyo ng sliced bread ng P3-P4 kada-supot nito, habang ang pandesal ay P1 o higit pa dito kada piraso.
Napag-alaman na hindi lamang ang presyo ng pandesal ang maapektuhan sa patuloy na pagmahal ng arina kundi pati na rin ang timbang at laki nito.
Mas liliitan na rin umano ng mga panadero ang pandesal at babaan na rin ang timbang ng kada-piraso nito kung saan ang pugon-pandesal na dati ay kasinlaki ng kamao ng isang grade-1 pupil ay tatapyasan na ito ng laki at timbang.
Isinisi naman ng mga panadero ang patuloy na pagtaas ng presyo ng arina sa pagkakaroon ng kakulangan ng suplay nito mula sa Amerika, Canada at Australia na tinaguriang flour maker at supplier ng mundo. (Rose Tamayo-Tesoro)