Kinatigan ng Kuwaiti high court ang hatol na bitay sa Pinay na si May Vecina, 28, na inakusahang pumatay sa 6-taong gulang niyang alaga at sumaksak sa dalawa pa nitong nakatatandang kapatid, edad 13 at 17, noong Enero 2007.
Ayon sa report, pinagtibay ng Court of Cassation na katumbas ng Supreme Court sa Kuwait, ang hatol na kamatayan ng lower court.
Ayon kay DFA Foreign Affairs Undersecretary for Special Concerns Rafael Seguis, kukumbinsihin nila ang dating employer ni Vecina na tanggapin ang blood money kapalit ng kanilang pagpapatawad sa pagkamatay ng kanilang anak na si Salem Sulaiman Al-Otaib.
Sa isang mensahe, nangako naman si Pangulong Arroyo na gagawin ng pamahalaan ang lahat para maisalba ang buhay ni Vecina.
Tanging ang Emir o hari ng bansa ang may kapangyarihang ipawalang-saysay ang death sentence.
Tinawagan na ang pamilya ni Vecina sa North Cotabato at ipinagbigay-alam na ng DFA ang malungkot na balita. Tanging dasal naman ang hinihingi ng pamilya Vecina.