Matapos ang 11 taong pagkakakulong sa Bangladesh, pinalaya na ang Pinoy seaman na na-convict sa kasong gold smuggling.
Kinilala ni DFA Spokesman Claro Cristobal ang Pinoy na si Wilfredo Rosales.
Si Rosales ay naaresto sa Southern Port City ng Chittagong sa Bangladesh noong 1993 dahil sa pagpupuslit ng ginto. Noong 1997 ay pinatawan ito ng 14 taong pagkakakulong ng Bangladesh High Court.
Gayunman, dahilan sa pagsusumikap ng pamahalaan sa pangunguna ni Philippine Ambassador to Dhaka Zenaida Tacorda-Rabado ay pinababa ang sentensya ni Rosales at hindi na isisilbi ang nalalabi pang dalawang taon.
Ayon sa opisyal, pinagbigyan ni Bangladesh President lajuddin Ahmed ang kahilingan ng Embahada na palayain na si Rosales.
Ang nasabing Pinoy seamen ay darating na sa bansa anumang oras matapos itong iturnover na ng mga opisyal ng Dhaka Central Prison sa RP Embassy doon. (Joy Cantos)