Walang ibang dapat ma-exile o umalis sa bansa sa ngayon kundi si Pangulong Arroyo, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr.
Sinabi ni Pimentel na matitigil lamang ang galit ng taumbayan na anumang oras ay puwedeng sumiklab kung lalayas sa bansa ang Pangulo.
Ginawa ni Pimentel ang reaksiyon matapos umalis ng bansa kahapon si First Genleman Mike Arroyo.
Sinabi ni Pimentel na hindi na siya nagtataka na sa tuwing magkakaroon ng imbestigasyon kung saan ipatatawag ang Unang Ginoo ay lumalabas ito ng bansa.
Hindi rin umano niya malaman kung bakit hindi sinunod ng Unang Ginoo ang payo ng Pangulo sa kanyang asawa na lumabas na lamang ng bansa upang hindi magulo ang pagpapatakbo ng gobyerno.
Posible aniyang tinatakasan na lamang ng Unang Ginoo ang kanyang konsensiya dahil sa ngayon ay wala pa namang nagpapatawag sa kanya at ang isinasagawang pagdinig ng Office of the Ombudsman at ng Department of Justice (DOJ) ay maituturing na “friendly forum”. (Malou Escudero)