Para sa pagtukoy ng Dengue: P2.5M gamit bibilhin ng DOH
Ipinahayag ni Health Secretary Francisco Duque na aabot sa P2.5 milyon ang kanilang inilaan para sa pagbili ng mga re-agents na makatutulong umano para sa mabilis na pagtukoy ng mga kaso ng dengue sa bansa.
Ayon kay Duque, ang nasabing halaga ay kanilang ipinagkaloob sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), kung saan sinusuri ang mga blood samples ng mga hinihinalang dinadapuan ng nasabing sakit.
Nabatid na sa pamamagitan ng mga naturang re-agents, kakayanin ng RITM na sumuri ng daan-daang samples at agad na mailabas ang resulta nito sa loob lamang ng 24 na oras.
Sinabi pa ng Kalihim na malalaman din umano kaagad kung anong uri ng dengue virus ang dumapo sa biktima.
Lahat aniya ng blood samples ng mga pasyente na dadalhin sa RITM para sa pagsusuri o dumaan sa “confirmatory tests” ay agad magkakaroon ng resulta.
Idinagdag din naman ng Kalihim na nagtayo na rin sila ng Dengue War Room sa DOH-National Epidemiology Center na magte-trace sa mga napapaulat na kaso ng dengue sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular ang mga lugar kung saan nagkakaroon ng clustering ng kaso.
Ani Duque, ang naturang war room ang magsisilbing dengue operation center ng DOH, na kokolekta at mag-a-analisa sa mga napapaulat na dengue cases.
Makatutulong aniya ito upang mabilis na matukoy ang mga lugar na posibleng magkaroon ng outbreak ng sakit para maagap na makaaksyon ang DOH at mapigilan ito. (Doris Franche)
- Latest
- Trending