Convicted na sa libel, ‘di sakop ng bagong SC ruling
Naging katanggap-tanggap ang bagong guidelines ng Supreme Court (SC) sa mga hukom na bigyan ng konsiderasyon ang pagpapataw ng multa sa mga mamamahayag, sa halip na pagkakulong sakaling ma-convict ang mga ito sa kasong libel, ngunit hindi makikinabang dito ang mga nauna nang napatunayang nagkasala sa kasong libelo.
Ito ang obserbasyon ni lawyer Harry Roque na nagsabing dahil hindi sakop ang mga convicted na, kailangan pa ring idulog sa United Nations human rights body ang nasabing usapin.
Si Roque ay humahawak sa maraming libel cases, kabilang dito ang kaso ni dating Bombo Radyo broadcaster Alex Adonis. “In Adonis case, he was charged a second time precisely to keep him in jail,” ayon kay Roque.
Napawalan ng sala ang ibang commentator, maliban kay Adonis na nabigong makakuha ng mahusay na abogado para idepensa ang kaniyang sarili.
Dahil hindi rin umuusad sa Kongreso ang planong i-decriminalize ang libel, sinabi ni Roque na kailangang idulog na sa UN ang kaso ni Adonis.
Sa administrative circular no.08-2008 na ipinalabas kahapon ni SC Chief Justice Reynato Puno, nakasaad na hindi na maaring ikulong o parusahan ang mga miyembro ng media na nagkasala sa kasong libelo at sa halip ay pagmumultahin na lamang.
Mula sa pagkakakulong ay tutumbasan na lamang ito ng multa mula sa P200 hanggang P6,000 taliwas sa nakasaad sa Article 355 ng Revised penal Code na mayroong kaparusahang prison correctional na may katumbas na pagkakakulong na 1 taon at 3 araw.
Epektibo kaagad ang nasabing circular sa san daling matanggap ito ng mga hukom sa buong bansa. (May ulat ni Gemma Garcia)
- Latest
- Trending